//pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js

Pagiging Barista at Iba pang Trabaho, Posible sa Angat Buhay

Halos isang linggo na lang at mag-iisang taon na ang programang Angat Buhay ni VP Leni Robredo.

Sa loob ng panahong ito, nakita ko kung paano nagbago ang pamumuhay ng ating mga kababayang naging bahagi ng Angat Buhay. Bukod sa pagkakataon sa maayos na kabuhayan, naniniwala akong ang pag-asang dala ng proyekto ay isang malaking bagay para ipagpatuloy ang nasimulang pagsulong sa kaunlaran.

Katulad nalang nang makilala namin si Roselle Pineda noong bisitahin namin ang Brgy. 181 sa Maricaban, Pasay noong nakaraang buwan. Sa pamamagitan ng Metro Laylayan na nakatuon sa mga komunidad dito sa Maynila, nakita ko kung gaano katatag ang pagpupursigi nilang baguhin ang kanilang kinabukasan.

Labing-anim na taon pa lang ang tubong-Pampanga na si Roselle nang mabiyayaan ng anak. Hiwalay ang kanyang mga magulang at siya ang panganay sa tatlong magkakapatid. Sa murang edad, alam niya na kailangan niyang magpakatatag para maitaguyod ang kanyang sanggol at ang pamilyang nakaasa sa kanya.

Lumuwas sa Maynila si Roselle. Kuwento niya, “Nagbakasakali ako na makapaghanap ng trabaho. Nahirapan ako dito sa Maynila kasi siyempre iba naman po ang status ng Manila sa province talaga. Pero dahil nga kailangan maglakas ng loob at saka makisama, kaya nakaya naman po”.

Nang malaman ni Roselle ang tungkol sa Metro Laylayan kung saan dala ng Office of the Vice President (OVP) at ni VP Leni ang mga Angat Buhay partners para tumulong, hindi siya nagdalawang-isip na sumali.

“Halos sampung taon na po ako dito kaya marami na ring pinagdaanan. Nagkaroon naman po ako ng trabaho, sumubok akong maging security guard, kahit undergrad ako kasi nga kailangan ko nga pong magtrabaho. Inaasahan kasi ako ng pamilya ko at anak ko”.

Nagpunta si Roselle at nakipag-usap sa TESDA-NCR noong araw ng Metro Laylayan sa Pasay. Pero isa sa mga requirements para makasali sa scholarship ng certification programs ay kailangang high school graduate ang aplikante.

Hindi nahinaan ng loob si Roselle kahit alam niyang baka hindi siya makapag-train bilang isang barista. Dito ako lalong humanga kay Roselle.

Kasama ang dalawa pang undergrad, nakipag-usap sina Roselle para ilaban ang oportunidad na alam nilang kailangan nila para makakuha ng trabahong makakatulong sa kanila at sa kanilang pamilya.

“Gusto po kasi talaga namin, kasi sayang po. Noong nalaman namin na hindi puwede ang hindi high school graduate, kinausap na talaga namin sila kung puwede kaming bigyan ng pagkakataon. Iyon naman po napagbigyan naman po kami”.

Nakita ng mga taga-TESDA-NCR kung gaano kabuo ang loob nila Roselle na ipaglaban ang pagkakataon. “Umaasa po kami na magkakaroon kami ng certification, at opportunity na makahanap ng trabaho. Kasi malaking tulong po talaga sa amin iyon na ma-try naman namin iyong binigay na ganoong pagkakataon,” kuwento niya.

Sa ngayon, nakapagtapos na si Roselle at ang dalawa pa niyang kasamahang undergrad sa scholarship ng TESDA na nagsimula noong ikalima ng Setyembre. Noong tinawagan ko nga siya para makipagkuwentuhan, kasalukuyan siyang nag-aaral para sa nalalapit na assessment kung saan kapag naipasa niya, magkakaroon na siya ng certification bilang barista.

Isa lang ang scholarship ng pagiging barista sa mga programa ng TESDA na nakatutok sa ating mga kababayang nangangailangan ng suporta para makahanap ng trabaho. Katulad ng mga scholarships para sa automotive, housekeeping, masonry, at iba pa, ang pagkakataong ito ay nagiging daan para mapabuti ang pamumuhay ng ating mga kababayan.

Katulad nalang ng nakausap ni VP Leni noong nakaraang Linggo sa radio show niyang BISErbisyong Leni na si Deejae Juanta. Nakapagtapos din siya sa TESDA ng pagbabarista, at ngayo’y isa na sa nagpapatakbo ng Center for Baristas and Tourism Academy.

Ang mga programang ganito ng ating pamahalaan ang unti-un­ting nakakatulong sa pagpapabuti ng buhay ng ating mga kababayan. Kaya isang malaking karangalan para sa akin ang maging bahagi ng instrumento na naglalapit ng mga ito sa mga pamilyang halos mawalan na ng pag-asa.

Kaya’t ngayong mag-iisang taon na ang Angat Buhay, sabik kaming lalo pang maabot ang mga pamilyang nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga bayan. Dala namin ang mga oportunidad para sa trabaho at kabuhayan, at pag-asang bubuti din ang bukas para sa mga katulad ni Roselle na masigasig at hindi nawawalan ng lakas ng loob na lumaban. – Georgina Hernandez – Abante

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.


Updated: October 11, 2017 — 11:28 am

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Tesda Courses © 2015 Privacy | Disclaimer | Terms of Use